Kada palit ng administrasyon nagsisikap ang mga nagdaang pangulo na manghikayat ng mga foreign investors na mamumuhunan sa bansa subalit nananatili pa ring nangungulelat ang Pilipinas sa pagtanggap ng foreign investments.
Sa kabila ng pagpasa ng Retail Trade Liberalization Act, Public Service Amendments Act, at ang pag-amyenda sa Foreign Investments Act, nananatili pa rin ang 40/60 provisions para sa ibang sektor sa ekonomiya maging ang pagbabawal sa mga dayuhan na magmay-ari ng mass media companies dahil ito’y malinaw na nakasulat sa ating Saligang Batas.
Para sa mga sumusuporta dito, mas maraming malilkhang trabaho at lalago pa lalo ang ekonomiya, habang para sa mga tumututol dito ay maisasapanganib nito ang ating pambansang interes.
Sa aking palagay, pwede naman tayong makapaglikha ng trabaho sa pamamagitan ng pagbubukas sa bansa sa mas marami pang mga dayuhang namumuhunan habang pinapangalagaan ang pambansang interes dahil habang pinapatagal natin ang pagpapanatili sa protectionism hindi na tayo nakasisiguro kung interes ba ng mamamayan ang napapangalagaan o ng iilang naghaharing negosyante na nanganamba sa papasok na kumpetisyon.
Sa landscape pa lamang ng media ay nahahalata dito ang epekto ng proteksyonismo. Nais mang palaguin pa lalo ng mga established media companies ang kanilang kita ay mas maraming Pilipino ang mas nagugustuhan pang manood ng foreign series lalo na ang mga galing Amerika at Korea dahil walang nakikitang bago sa mga napapanood dito sa Pilipinas. Pero kung aalisin natin ang protectionism sa mass media ay baka mas lalo pang magkaroon ng tsansa na makapag-compete sa pandaigdigang merkado ang mga gawang Pilipino.
Batay sa mga napapabalita hindi priority ng sambayanang Pilipino ang pagbabago sa Saligang Batas dahil sa mas mahahalagang isyu tulad ng gutom, presyo ng bilihin, at iba pang mas kailangan pagtuunan ng pansin pero habang umuunlad ang bansa ay umuunlad din ang kamalayan ng Pilipino, at pag umabot tayo sa puntong ito ay baka maaaari na nating mapag-usapan ng masinsinan ang pagbabago sa Saligang Batas.