“Ibon mang may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak,
Bayan pa kayang sakdal dilag ang di magnasang makaalpas,
Pilipinas kong minumutya,
Pugad ang luha ko’t dalita,
Aking adhika, makita kang sakdal laya”
-Bayan Ko
Ito ang mga titik mula sa makabayang awiting “Bayan Ko”. Baka pinagtataka ninyo bakit ito ang tema ng post na ito?
Bukas kasi, gugunitain natin muli ang ika-118 na taon magmula nang ideklara natin ang ating kalayaan mula sa pananakop ng mga Kastila. Marami na tayong pinagdaanan bilang isang bansa, mula sa isang kalayaang pansamantala nating tinamasa dahil wala tayong kamalay-malay na meron palang bagong mananakop (ang Estados Unidos) na darating sa ating bansa at nagdala sa atin ng mga bagong impluwensyang hanggang ngayon ay dala-dala natin at sinanay tayo na magkaroon ng sarili nating gobyerno, nasakop tayo sa loob ng tatlong taon ng isang kapitbahay na may malaking ambisyon (mga Hapones), pagkatapos ng sampung taon na pagsasanay ay yung mga Kano ay pinagbigyan na rin tayo sa wakas, ay pinagbigyan na rin tayo na mamahala sa mga sarili natin, at nang magprotesta tayo sa lansangan para muling ibalik ang kalayaan na inalis sa atin sa loob ng halos isang dekada tapos makikita lang natin na imbes na mawala ay lalong lumala ang mga problema ng bayan, siguro tinatanong niyo (at least sa may pakialam), MALAYA NGA BA TALAGA TAYO?
Oo. Sabihin na natin. May internet naman na kung saan ay makakapagpahayag tayo ng mga saloobin natin at nagkakaroon na tayo ng pakialam sa mga bagay na sa isang normal na sirkumstansya ay dedma lang (minsan nga lang mabagal ang internet, naka-data ka lang, binlock ka ng bestfriend mo dahil lang sa magkaiba kayo ng opinyon, o kaya’y kung anu-ano na lang nababasa mo sa Facebook at nagpapaniwala ka naman agad kahit di mo tinignan ng mabuti kung totoo ba), maraming mga partido dyan na may iba’t ibang paniniwala (nagbabalimbingan nga lang kapag eleksyon), may media tayo (basura nga lang minsan), at kung anu-ano pang mga nakikita natin na laganap sa mga demokratikong lipunan, pero tila nababadtrip tayo (kasi trapik, mausok, sira ang tren, mataas ang tax, kurap ang gobyerno, maraming snatcher at manyakis, nagsusumikip ang Metro Manila pero ang mga probinsya napapag-iwanan pa rin). May pag-iisip tayo na “magpasakop na lang ulit tayo” o kaya naman ay “martial law na lang sana ulit”. Eh wala eh, nandito na tayo eh.
Bago tayo ngumawa dyan, isipin muna natin: siguro minura na tayo ni Heneral Luna. Siguro tinaga na tayo ng itak ni Bonifacio. Ang layo na ng narating natin. Aatras na naman ba tayo? Eh di parang napunta lang sa wala yung mga pinaglaban nila. Andyan ka na nga eh.
Buti na lang medyo naitatama na ang mga mali. Nagkakamalay na rin tayo. Medyo sablay nga lang, pero patungo na rin dyan. Blockbuster nga yung Heneral Luna eh. May mga sites na kung saan ang mga nababasa mo sa history books (minsan nga lang kwentong barbero, alam niyo na kung saan niyo mababasa ang mga yun), at katatapos lang ng eleksyon at mataas ang expectation niyo sa binoto niyo (mamaya dyan magsisi na naman kayo, wag na uy).
Kahit sabihin nating inaaabuso nga lang ng iba dyan yung mga karapatan natin, pero sana sariwain natin bukas araw na ito kung ano ang mga naging paghihirap ng mga bayani natin para maging malaya na tayo. At di lang kay Duterte ang change ano, sa atin yun. Magsisimula sa atin yun. Start with the basics, wag na magtapon sa kanto, wag na tumawid sa di naman dapat tawiran, wag na iihi sa pader, at kung ano ano pa.
Magtulong tulong tayo para ang demokrasya natin, maging totoo na. Talagang magiging sakdal laya nga tayo. Laya para makapagtayo tayo ng isang matino, maayos, maunlad, at mapayapang bansa.
O, maligayang araw ng kalayaan, at enjoyin ang weekend!