Noong Lunes, Mayo 9, 2016, nagdaos tayo ng halalang pangkalahatan, kung saan magluluklok tayo ng mga bagong pinuno, mula sa mga siyudad, lalawigan, at sa mga pinakamataas na posisyon sa ating bansa. Naging mainit ang kampanya, maraming mga naibatong putik, maraming pagkakaibigan ang nasira dahil sa pagkakaiba ng opinyon, subalit nanaig pa rin ang pagkakaisa sa pamamagitan ng balota.
Naging malinaw ang resulta: pinili ng halos 38.6% (ayon sa pinakahuling datos) ng mga rehistradong mga botante si Mayor Rodrigo Roa Duterte, ang naging alkalde ng siyudad ng Davao sa loob ng 22 taon.
Bagamat wala pang opisyal na datos ang Comelec (at magsisimula pa lang ang opisyal na bilangan ng Kongreso na minamandato ng Saligang Batas), sa laki ng lamang niya sa kanyang mga katungali ay malinaw na malinaw na siya nga ang susunod na pangulo ng ating bansa.
Sa kabila nito, hindi pa rin malinaw kung ano nga ba ang mga maaaring magbago sa oras na pormal nang manumpa si Duterte bilang ating pangulo. Matatandaan natin na sa panahon ng kampanya, mga maanghang (at kung minsan pa nga’y kontrobersyal na nakaakit ng atensyon mula sa international media) na mga pananalita, kagaya na lamang ng mga pagbabantang nagiging madugo ang kanyang panunungkulan dahil sa matigas niyang paninindigan laban sa krimen, droga, at katiwalian. Mayroon din siyang mga seryosong mga panukala, gaya na lamang ng pagsusulong ng pederalismo (o pagbibigay kapangyarihan sa mga lalawigan sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran at siyang tatapos sa kaguluhan sa Mindanao), pakikipag-usap sa mga rebeldeng grupo, at pagsusulong ng konstruktibong usapan sa South China Sea. Bukod sa mga nabanggit, ay wala pa tayong naririnig.
Pero sa isang di pangkaraniwang pagkakataon, nakita natin ang isang kakaibang Duterte na lingid sa marami, ang kanyang malambot na pagkatao. Noong gabi ng paglabas ng mga resulta, dumako siya sa puntod ng kanyang ina. Humihingi ng tulong.
Sa mga sumunod na araw ay narinig na natin mula sa kanya ang ilan sa mga panukala niya: ang pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad mula alas-10 ng gabi, pagbabawal sa pagbebenta ng alak mula ala-1 ng umaga, at pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Nailabas na rin niya ang ilan sa mga tututukan ng kaniyang papasok na administrasyon, gaya ng muling pagbuhay sa parusang bitay, pagpapalawig sa conditional cash transfer program, pagtanggal sa 60-40 provision na balakid sa foreign investments, at marami pang iba.
Marami ang natutuwa, marami rin ang umaangal. Marami ang nagsasabi na magbubunsod ito ng lalo pang pag-unlad ng ating bansa at sa ikapapayapa ng bayan, marami rin ang nangangambang baka maging mitsa ito ng pagbabalik sa isang diktadura.
Sinabi na ng kanilang kampo sa kanilang mga kritiko na bigyan ng pagkakataon ang papasok na administrasyon para maipatupad nila ang kanilang mga programa.
Kagagaling lamang natin sa isang mainit na kampanya, at minabuti nilang agad na mag-abot ng kamay para sa kanilang naging mga kaaway.
Ngayong nakapagdesisyon na tayo, kailangan natin itong isaalang-alang. Naghangad tayo ng tunay na pagbabago, ngayon na ang pagkakataon na tayo ay magkaisa. Alam nating marami pa tayong pag-aalinlangan. Ang iba naman, mistulang sa kanya na lamang inaasa ang lahat.
Tandaan, hindi niya magagawa ito lahat ng isang bagsakan lang. Kailangan niya ng pakikiisa ng taumbayan. Hindi rin tama na hindi lang natugunan ang kanyang mga pangako ay mawawalan na tayo ng gana, o kaya nama’y batikos lang nang batikos. Iyan ang bumubuhay sa demokrasya.
Ipanalangin natin na ito na nga ang bagong simula para sa isang magandang kinabukasan na ating inaasam. At tandaan natin na ang pagbabago ay nagsisimula sa atin.